P500, P10K barya ibebenta ng BSP

Maglalabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga commemorative coin na P10,000 at P500 kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo nito sa Hulyo.

Sabi ng BSP kahapon, magbebenta ito ng P10,000 commemorative coin na gawa sa ginto at P500 na gawa sa silver.

Para sa mga gustong bumili, ang P10,000 na BSP commemorative gold coin ay binebenta ng P127,000 at nagkakahalaga naman ng P3,500 ang P500 silver coin.

Isa lamang ang gold coin na ilalabas na siyang gugunita sa ika-70 taon ng central banking sa Pilipinas. Ito ay 99.6% na ginto at may bigat na humigit kumulang sa 42 gramo.

Dalawa naman ang silver coin na ilalabas: Ang isa ay para gunitain ang ika-70 taon ng central banking at ang isa naman ay para sa ika-25 taong anibersaryo ng BSP. Pareho itong 99.9% na silver na may bigat na humigit kumulang 28.28 gramo.

Pero hindi ito puwedeng gamitin bilang pambayad sa araw-araw ng mga tao dahil ito ay tinatawag na “non-circulation legal tender”.

Para sa mga nais na bumili ng commemorative coin ng BSP, maaaring mag-order sa anniversarycoins@bsp.gov.ph bago ang Enero 15, 2020.

Sabi ng BSP, ang pagbili ng mga commemorative coin ay first mail-in, first listed at ito ay gagawin para masigurong lahat ng mga interesado ay magkakaroon ng pagkakataong bumili nito. (Eileen Mencias)