Swak sa kulungan ang mag-live in partner matapos makuhanan ng iligal na droga na tinatayang aabot sa P500,000 sa ginawang raid ng mga awtoridad sa bahay ng dalawa sa Brgy. Balsik, Hermosa, Bataan Linggo nang umaga.

Kinilala ng Hermosa Police ang mga suspek na sina Henry Layug 22, at si Jinky Villareal, 19.

Si Layug umano ang target ng operasyon, at sa tulong ng search warrant, hinalughog ng mga awtoridad ang bahay nito at nadiskubre ang 13 sachet ng shabu, mga drug paraphernalia at dalawang kalibre .45 pistol.

Kasong paglabag sa RA 10591 o Omnibus Election Code at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin nina Layug at Villareal.