Umaabot sa P50 bilyon ang nalugi sa ‘meat processing industry’ dahil sa pag-‘ban’ ng ilang local government units (LGUs), partikukar sa Visayas at Mindanao, sa mga ‘processed meat’ sanhi ng outbreak ng African swine fever (ASF) sa ilang lugar sa Luzon.
Ayon sa Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI), sa Visayas at Mindanao ay nakapagtala lamang ng 30% hanggang 40% ang total sales ng mga ‘processed meat products’.
Sinabi n Jerome Ong, PAMPI vice president, nauunawaan naman nila ang mga LGU na protektahan ang kanilang constituents laban sa ASF, subalit hindi naman aniya kailangan na pigilan ang pagpasok ng ‘processed meat’ sa kanilang mga nasasakupan.
Nabatid na 56 sa 81 provinces ang naghigpit at nagpatupad nang pagbabawal sa pagpasok ng Luzon-based pork processed meats sa takot na kumalat sa kanilang lugar ang ASF virus.
Kasabay nito, nagpalabas na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa LGUs na tanggalin ang pagba-ban sa processed meat sa kanilang mga lalawigan.
“Nagpalabas na ako ng kautusan sa mga LGU na hindi kasama ‘yung processed meat lalo na kapag may mga FDA (Food and Drug Administration) certification (and/or) approval. Hindi kasama ‘yan (processed meat) kasi na-certify na yan na safe yan. Ang raw meat ang ating kina-quarantine,” ayon kay DILG Secretary Eduardo Año.
“While the DA, the DOH and the DTI have drafted rules and regulations to govern the dynamics of the businesses relevant to this, we are seeing the difficulty in getting their rules and directives followed—because final implementation lies in the LGUs,” ayon naman kay Ong. (Dolly Cabreza)