By Armida Rico
Sa rehas na bakal ang bagsak ng dalawang Chinese national nang nakawin umano ng mga ito ang P50,000 cash sa safety vault ng pinagtatrabahuhan nilang kompanya sa Parañaque City kahapon nang umaga.
Nahaharap ngayon sa kasong qualified theft sina Runmo Gao, 24, at Jiyong Fang, 25, kapwa Chinese national at empleyado ng Flying Dragon Network Philippines sa 8th Floor Aseana 3 BPO Building, Macapagal Boulevard, Brgy. Tambo, Parañaque City, mga residente sa Shore Residence Sunrise Drive, Pasay City.
Ito ay matapos silang ireklamo ng biktimang si Arnold Sumido Sabado, security officer ng kompanya.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pagnanakaw sa loob ng Flying Dragon Network Philippines sa Parañaque City dakong alas-11:00 nang umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, agad na tumawag ang supervisor at translator ng kompanya sa security department kaugnay sa pagtangay ng dalawang suspek sa P50,000 cash sa safety vault na nasa VIP room.
Mabilis na pinigil ng guwardiyang si Francis John Diago Plasabas ang mga suspek bago pa man lumabas ng nasabing opisina.
Narekober sa loob ng bag ni Jiyong ang naturang pera dahilan para dakpin ito kasama si Gao na sinasabing kasabwat nito sa insidente.
Nakakulong ngayon ang dalawang Chinese sa detention cell ng Parañaque City Police.