Bukod sa lotto, sumasandal ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Small Town Lottery (STL) na mag-aakyat ng bilyones sa kaban ng bayan.

Ito ang nabatid kay PCSO chairman Jose Jorge Corpuz sa pagharap nito sa House ­committee on appropriation na nagsagawa ng pagdinig sa P3.767 trilyong pondo ng gobyerno sa susunod na taon.

Ayon sa opisyal, sa ngayon ay umaabot na umano sa 92 ang operators ng STL sa buong bansa mula sa dating 18 operators lamang kaya mula Enero hanggang Hunyo 2017 ay umaabot na umano sa P18.32 bilyon ang umakyat na pera sa PSCO sa numbers game na ito at posibleng ­umabot umano ito sa P51 bilyon bago matapos ang taong kasalukuyan.

Tatlong doble umano ang itinaas ng kita ng STL kumpara ng parehong panahon noong 2016 kung saan P6.46 bilyon ang kita ng PCSO sa STL operations sa bansa.