P51M overprice na medical supply nasamsam, 345 arestado – CIDG

Umaabot sa 345 na suspek sa pagbebenta ng overprice, profiteering at hoarding ng mga medical supply ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan aabot sa P51 milyon halaga ng alcohol, facemask at iba pa ang nakumpiska simula ng ipatupad ang enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat na isinumite kay Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa ng CIDG kahapon, mula Marso 17 hanggang Abril 16, 2020 ay nakapagsagawa na ng 220 operasyon ang ahensya.

Umaabot sa 24,778.73 litro ng alcohol, 1,125,948 na piraso ng face mask, 1,477 piraso ng thermal scanners at 1,029 litro ng hand sanitizers ang nasamsam ng CIDG na umaabot sa halagang P51, 017, 263.30.

Ang mga nasamsam na medical supply ay ipinamahagi naman ng CIDG sa Department of Health (DOH), ilan sa nakinabang ay ang mga pagamutan sa Naga City sa Camarines Sur, Zamboanga Del Sur at Maynila.

Sa ngayon ay patuloy ang law enforcement operation ng ahensya hanggang iniimplimenta ang ECQ dahil sa COVID-19 laban sa mga indibuduwal o grupo na nagsasamantala sa pagbebenta ng mahal at nagtatago ng mga medical supplies upang kumita ng malaki sa buong bansa.(Edwin Balasa)