P5K tulong sa mga manggagawa ibibigay na – Bello

silvestre-bello-owwa

Ipinahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na kanila nang sisimulang ipamigay ang tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P5,000 para sa mga manggagawa na apektado ng enhanced community quarantine.

Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, sinabi ni Bello na lahat ng manggagawa, kahit ano pa man ang kanilang employment statusm ay makakatanggap ng tulong pinansiyak kung silaý hindi nakakapasok sa trabaho dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Gayunpaman, sinabi rin ng kalihim na ang mabibigyan lamang ng one-time financial assistance ng kagawaran ay iyong mga manggagawa sa kasama sa payroll list na isinumite ng kanilang mga employer sa DOLE.

Nabatid pa kay Bello na inaasahan ding maibibigay simula ngayong Biyernes ang ayuda ng pamahalaan sa mga informal worker sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Displaced/Underprivileged Workers (TUPAD).

Hindi binanggit kung magkano naman ang ibibigay na tulong pinansiyal sa mga informal worker.

Kabilang sa itinuturing na mga informal worker ay iyong mga naghahanapbuhay bilang driver ng tricycle, jeepney, taxi, at mga vendor na nawalan ng hanapbuhay dahil sa ipinatupad na paghihigpit sa galaw ng mga tao habang sinisikap ng pamahalaan na mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.