Naglabas ng P5 million reward si Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikadarakip ni Ozamiz City Councilor Ricardo ‘Ardot’ Parojinog na kapatid ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na napatay sa isang anti-drug operations at inakusahang nasa narco-list.
Sa ika-11 anibersaryo ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Panacan, Davao City ay inanunsyo ng Pangulo ang pagbibigay ng pabuya sa sinumang magtuturo sa nagtatagong konsehal ng Ozamiz City na sinasabing nasa likod din ng operasyon ng iligal na droga sa lungsod.
“Kaya itong si Ardot, the remaining — ito ‘yung g***, place him in your arrow sa… I’m increasing the number — the money, the reward money on his head by five million,” bahagi ng pahayag ni PDu30.
“Kaya kung wala na kayong magawa — off-duty — magsuri-suri kayo sa bukid. Hantingin ninyo ‘yan. That’s P5 million,” dagdag ni Duterte.
Kaugnay nito ay kinumbinsi ng Pangulo ang isa umanong lokal na opisyal sa Ozamiz na pinaniniwalaang kasa-kasama sa pagtatago ni Konsehal Ardot.
“Kung kasama niya, dadalhin niya ‘yung ulo, abswelto ko na siya,” giit pa ni Duterte.
Nagpahayag din ng kalungkutan ang Pangulo sa isa aniyang opisyal ng pulisya sa Ozamiz na takot na maresbakan ng grupo ni Ardot.
“Tapos ‘yung isang official — and I was downhearted really to — na ayaw nilang umalis si… si Espenido. Dahil baka balikan daw sila ni Ardot. Sabi ko, anak ng jueteng ka. Anong klaseng mga pulis ‘to? Eh ‘yung pulis niya eh, ‘yung police department niya. Paka-t******* nitong mga unggoy na ito. Talawan. Nakakaasar. Maya-maya ilagay ko ‘yung isang batalyon diyan sa Ozamiz,” ayon pa kay Duterte.