Aabot sa P6.8 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspect sa isinagawang joint buy-bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Masambong Police Station 2 Drug Enforcement Unit (SDEU) at National Capital Regional Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sa Taguig City, Martes ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie S Montejo ang mga nadakip na sina Normina Batabol, 45; Manny Haron, 54, at Adzmin Magalang, 25, pawang residente ng Brgy. Upper Bicutan.

Una dito, nakatanggap ng impormasyon ang SDEU ng Masambong Police sa pamumuno ni PLt. Col Rodrigo Soriano kaugnay sa malaking bentahan ng iligal na droga sa nasabing lugar.

Agad na nakipagkoordinasyon ang Masambong Police sa RDEU ng NCRPO na pinamunuan ni PMaj. Lymel John Pasquin at ikinasa ang joint buy-bust operation alas-4:30 ng hapon Purok 6, Brgy. Upper Bicutan, ng nasabing lungsod.

Isang pulis ang tumayong buyer at nagkunwaring iiskor ng P70,000 halaga ng shabu habang iniaabot na ng mga suspek ang droga ay agad dinakma ng iba pang mga awtoridad ang mga suspek.

Nakumpiska sa kanila ang buy bust money, isang kilo ng shabu, digital weighing scale, at cellular phone na ginamit sa transaksiyon.

Nabatid na ang mga naaresto ay bago pa lamang nakilala bilang drug personality bagama’t ang ito ay sinasabing matagal nang nagsusuplay ng illegal drugs sa Brgy. Upper Bicutan.

“Tuloy-tuloy po ang ating anti-drug at anti-criminality operations sa kabila ng extended Enhanced Community Quarantine upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa ating lungsod. Muli po tayong nagpapaalala sa ating mga kababayan na extended po ang ECQ, kaya hinihingi po natin ang patuloy na suporta at kooperasyon ng bawat isa. Manatili po tayo sa ating mga tahanan at sumunod sa mga patakaran ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at tuluyan na itong mapuksa,” paliwanag ng QCPD chief. (Dolly Cabreza)