Umaabot sa P6.8 milyong ha-laga ng shabu ang nakumpiska sa apat na umano’y ‘big time drug pushers’ ng mga operatiba ng Phi-lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang ‘buy-bust operation’ sa isang hotel sa Ermita, Manila nitong Lunes nang gabi.

Kinilala ni PDEA Director, Ge-neral Aaron Aquino, ang naarestong suspek na sina Talicop Saipoding Pumbaya, 23-anyos; Mahdi Sodeit Salic, 54; Maromaya Johary Mamocarao, 18; at Sultan Saipoden Alnao, 32.

Sa ulat ng PDEA-National Capital Region (NCR), alas-sais nang gabi (June 3) nang magkasa sila ng buy-bust operation laban sa mga suspek na sinasabing naka-check in sa Midland Plaza Hotel sa Brgy. 669 sa Ermita, kasama ang mga ahente mula sa Calabarzon at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Isang PDEA agent ang nagpanggap na buyer at nakipag-transaksyon sa mga suspek matapos magpositibo ang isinagawa nilang surveillance operation.

Nang magkaabutan ng kontrabando ay agad nang nagsulputan ang mga awtoridad at dinakma ang mga suspek. Isa naman sa sinasabing kasamahan nilang si Fajad Sultan ay nakatakas.

Nasamsam ng PDEA sa grupo ang may isang kilo ng shabu na nakalagay sa isang transparent plastic bag na may tatak ‘Guanyinwang Tea Packaging,’ na nagkakahalaga ng P6.8 milyon. (Dolly B. Cabreza)