P6 subsidy sa tsuper, tinukuran

tsuper

Iminungkahi ng isang mambabatas na imbes na gipitin ay hayaan munang makaagapay ang maliliit na operator at tsuper ng pampasaherong jeep sa epekto ng pagtaas ng produktong petrolyo bunsod ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ito muna umano ang dapat unahin bago obligahin ang mga drayber at small time operator na i-rehabilitate ang kanilang pampasadang sasakyan, ayon kay Anakpawis Rep. Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao.

Nakikiisa rin ang kongresista sa inihihirit at panawagan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na pagkalooban ang mga tsuper ng anim na pisong subsidiyang diskuwento sa presyo ng krudo.

Nananawagan si Casilao sa gobyernong Duterte na magtatag ng industriyang susuporta upang ma-rehabilitate ang mga pampasaherong jeepney sa mas mababang halaga imbes na puwersahing bumili ng bagong public utility vehicle (PUV) na gawa ng foreign monopoly firms.

Naaalarma rin ang mambabatas sa ipinatutupad na ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) dahil talo umano rito ang mga pobreng jeepney driver.