Aabot sa P61 milyong halaga ng mga tanim na marijuana ang binunot at sinunog ng National Bureau of Investigation-Region 2 mula sa 16 plantasyon na nadiskubre sa bulubunduking bahagi ng Tinglayan, Kalinga.

Ayon kay NBI-Region 2 director Atty. Gelacio Bongngat, nagsimula noong Marso 10 ang pagbubunot ng mga tanim na marijuana at natapos nitong Sabado sa Brgy. Luccong na may total land area na 25,000 square meters.

Sinabi ni Bongngat, nasa 236,000 fully grown marijuana plant ang sinira, kasama na ang 87,000 gram ng mga stalk nito at 5,050 gram ng marijuana seeds na nakuha sa isang kubo sa lugar.

Ang tatlong araw na operasyon, ayon sa NBI-R2, tinawag na Oplan Binoryan na binubuo ng NBI-Region 2, Kalinga Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera at Philippine Army (PA) na siyang tumututok para linisin sa droga ang mga apektadong barangay sa Tinglayan. (Allan Bergonia)