P61M shabu nasamsam sa bigtime drug dealer

Nakumpiska sa isang hinihinalang bigtime drug dealer ang siyam na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P61.2 milyon sa buy-bust operation ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Drug Enforcement Unit ng Philippine National Police nitong Miyerkoles.

Sa inisyal na report, pasado alas-4:00 nang hapon nang isagawa ang operasyon na ikinaaresto ng suspek na si Mark Anthony Carlos sa Quezon Ave­nue cor. West Forth Avenue sa Quezon City. Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa malakihang pagbebenta ng iligal na droga ng suspek kaya isinailalim ito sa surveillance, at nang magpositibo ang ‘tip’ ay saka ikinasa ang operasyon.

Tumanggi namang ituga ng suspek kung saan nito kinukuha ang mga ibinebentang shabu. (Dolly Cabreza)