P6B illegal drugs, sinilaban ng PDEA

P6B illegal drugs, sinilaban ng PDEA

Umaabot sa mahigit P6 bilyong halaga ng iligal na droga ang sinunog ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Aguado, Trece Martirez City, Cavite kahapon.

Ang pagsunog ay pinangunahan ni PDEA Director General Aaron Aquino sa drogang nakumpiska ng kanyang mga tauhan sa iba’t ibang anti-drug operation nitong unang quarter ng 2019.

Si Undersecretary Earl Saavedra, Executive Director ng Dangerous Drugs Board (DDB), ang nagsilbing Guest of Honor at Speaker, sa ginanap na seremonya ng pagsunog.

Sinunog sa pamamagitan ng thermal decomposition ang kabuuang 1,405,840.45 grams o 1.41 tons na iba’t ibang bawal na gamot tulad ng shabu, marijuana, cocaine, ecstasy, ephedrine, ketamine, pseudoephedrine, chloroephedrine, diazepam, nitrazepam, zolpidem, temazepam, clonazepam, alprazolam, methylphenidate, dimethylamphetamine at 104.43 milliliter na lidocaine.

Kabilang din sa sinunog ay ang 276 block o 331.066 kilogram na cocaine na nakitang lumulutang sa shoreline ng Nueva Ecija, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Davao Oriental, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands. (Dolly Cabreza)