Iginiit ng prosekusyon na tumanggap si dating Senador Jinggoy Estrada ng mahigit P70 mil­yon mula sa Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam kasabay ng pagtutol sa ini­hain nitong mosyon sa Sandiganbayan para tuluyan nang ibasura ang isinampang kaso laban sa kanya.

Binanggit ni Deputy Special Prosecutor Cornelio Somido na batay ito sa isinagawang im­bestigasyon ng Anti-Mo­ney Laundering Council (AMLC) kung saan naglabas ng financial transaction na ginawa umano ni Estrada o ng kanyang da­ting Senate staff na si Pauline Labayen at iba pa na kinilalang sina Carl Domi­nic Labayen at Juan Ng.

“Such verification and confirmation by the AMLC is nothing less than corroborative to the testimonies on record that indeed Estrada received kickbacks/commissions, thereby amassing, accumulating and acquiring ill-gotten wealth,” paha­yag ng mga prosecutor bilang pagkontra sa mosyon ni Estrada.

Ang inihaing mosyon ni Estrada sa Sandiganbayan 5th Division ay magbibigay-daan para tuluyang maibasura ang kanyang plunder case.

Iginiit naman ng mga abogado ni Estrada ang kabiguan umano ng prosekusyon na maghain ng ebidensiya para mapatunayang ito nga ang mastermind ng scam at naki­pagsabwatan sa iba pang akusado sa pork barrel scam.

Pero binigyan-diin ng prosekusyon na si Estrada ang nasa tuktok ng pork barrel scam batay na rin sa resolusyon ng korte noong 2016 kung saan ibinasura ang kahilingan nitong makapagpiyansa at sinabing ang ‘legislative fiat’ nito ang tumukoy kung paano nagamit ang pondo.