Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang P72,000 piyansa laban sa guro na unang inaresto dahil sa kanyang post sa social media na naghahayag ng kanyang alok diumano ng P50 milyon sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Ronnel Mas, 25 na naaresto sa Zambales ay pinayagan makapagpiyansa ng DOJ para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
“Under the rules of court, an accused may still petition the court to lower the bail,” ani Justice Undersecretary Markk Perete.
Nabatid na isasampa ang kasong ‘inciting to sedition in relation to cybercrime’ kay Mas sa korte sa Zambales sa susunod na linggo.
Magugunita na bukod kay Mas, ilang netizen rin ang inaresto dahil sa pagbabanta kay Duterte matapos na mag-post sa social media.
Kasama na dito, ang isang construction worker sa Aklan na nag-alok naman ng P100 milyon sa makakapatay rin sa pangulo, at isa namang salesman sa Agusan del Norte na nagpost ng umano’y libelous na mga pahayag sa pangulo at kay Senador Bong Go.
Kasabat nito, nagbabala si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga netizen na mag-isip munang mabuti bago mag-tweet o post sa social media.
Ito ay upang maiwasan ang katulad na sinapit ng tatlong netizen. (Juliet de Loza-Cudia)