Lumaki ang utang ng Pilipinas sa P8.177 trilyon noong katapusan ng Marso mula sa P8.167 trilyon noong Pebrero sa kabila ng bahagyang paglakas ng piso laban sa dolyar, ayon sa datos ng Bureau of the Treasury.

Kung paghahati-hatian ito sa lahat ng 108 milyong Pilipino, bata man o matanda at kasama na rin ang mga sanggol, bawat isa ay may P75,712.96 na utang at ang pambayad dito ay nanggagaling sa mga buwis na binabayaran tulad ng 12% na VAT sa tuwing naggo-grocery o kumakain sa mga fast food chain at restaurant.

Ayon sa BTr, ang domestic debt o ang mga inutang sa loob ng bansa ay nasa P5.513 trilyon noong Marso, mas malaki kaysa sa P5.450 trilyon na iniulat noong Pebrero.

Ang external debt o ang mga inutang sa labas ng bansa na binabayaran ng dolyar, euro, yen at iba pa, ay nasa P2.664 trilyon noong Marso, mas mababa kaysa sa P2.716 trilyon na iniulat noong Pebrero.

Simula ng umupo sa Malacanang si Pangulong Rodrigo Duterte, P2.229 trilyon na ang dinagdag sa utang ng Pilipinas.

Malaking bahagi ng pera ng pamahalaan ang napupunta sa pagbabayad ng utang ng bansa na maari sanang magamit pang gastos sa ibang pangangailangan dahil automatic ang paglaan ng bayad sa utang sa budget. Sa laki ng problemang dala ng COVID19, iminungkahi ng IBON Foundation na magdeklara na muna ng moratorium sa pagbabayad ng utang ngayong taon para magkaroon ng panggastos sa mga pangangailangan ng mga ospital at sa pagpapatakbo muli ng ekonomiya at pag-usapan na lang ang restructuring sa 2021. (Eileen Mencias)