Umaabot sa P7 milyon ang gastos kada buwan ng mga kompanya ng eroplano kung kaya’t umaapela ang Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) sa gobyerno na alisin ang ilang sinisingil sa kanila at bigyan ng credit guarantee sa mga bangko para matulungan sila.

Ito ang tugon ni Roberto Lim, vice chairperson at executive director ng ACAP, nang tanungin sa panayam ng isang himpilan ng radyo kung magkano ang nalugi sa mga airline company simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Malaki ang fix caused aabot ng 7M monthly naiipon sa eroplano `di lumilipad, pasahod sa mga empleyado at iba pang fixed rental kaya sana bigyan kami ng waiver sa parking space at iba pang charges malaking tulong ito at credit guarantee para sa mga pautang sa bangko,” pahayg ni Lim.

Sinabi pa ni Lim na pinag-uusapan na nila ang minimum standard protocol na isasagawa sa posibleng pagbabalik ng operasyon ng mga commercial flight para mabigyan ng kumpiyansa ang mga pasahero.

Aniya, prayoridad ng mga airline company ang hygiene at sanitation sakaling tanggalin na ang ECQ kung saan oobligahin ang mga pasahero na magsuot ng face mask at magkaroon ng social distancing sa eroplano.

Posible rin aniyang ipatupad ang rapid testing sa mga pasahero sa araw ng biyahe. (Riz Dominguez)