Mayroon na umanong P80,000 subsidiya ang gobyerno para sa 28,000 jeep sa ilalim ng ipina­tutupad na Public Utility Vehicle (PUV) moderni­zation program.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board ­(LTFRB) board member Aileen Lizada, pinagtibay na ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) ang ayuda sa may 28,347 public utility jeepneys sa buong bansa para sa taong 2018.

Aabot, aniya, sa P2.2 bilyon ang kabuuang hala­ga ng pondo kaya’t hindi na rin dapat mamroblema ang mga tsuper para sa kanilang equity.

Magbibigay ng subsidiya ang gobyerno sa 250 jeepneys sa 3 pilot areas: Senate-Philippine International Conference Center Area, Taguig-­Pateros at Pateros-Fort Bonifacio ngayong taon.

Nauna nang inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang naturang programa para sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan sa bansa at mas matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.