P96B ng SAP Phase 2 kasado na

Ibinigay na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P96 bilyong pondo para sa second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa panayam ng CNN Philippines kay DSWD spokesperson Dr. Irene Dumlao, sinabi nito na Abril 17 pa na-download sa kanilang kagawaran ang second tranche ng pondo subalit saka lamang ito ipamimigay sa mga local government unit (LGU) kapag nakapagsumite na sila ng liquidation report.

Sabi ni Dumlao, 45.6% pa lang ng mga benepisyaryo para sa first tranche ng SAP ang nakatanggap na ng pera, katumbas ng 8.75 milyong pamilya ngunit naipamahagi na ng DSWD sa 1,115 mga LGU ang first tranche ng ayuda.

Aniya, P81 bilyon ang na-transfer na sa mga field office ng DSWD at nailipat na ang 98.6% sa mga LGU.

Ayon kay Dumlao, kailangang magsumite ng liquidation report ang mga LGU bago nila makuha ang second tranche ng SAP na ipamamahagi sa mga tao.

Sabi ni Dumlao, batay sa guidelines, kailangang isumite ang liquidation report sa loob ng 15 araw pagkatapos ng pay out.

Kasama sa isusumite ang report of distribution at ang matrix ng social amelioration card form. Kapag naisumite na ito, saka pa lang ilalabas ang second tranche na P96 bilyon.

Aniya, nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para maipamahagi na ang ayuda sa lahat ng dapat makatanggap.

Dagdag niya, may mga lugar naman na umabot na sa 100% ang pay out at patuloy namang nagsasagawa ng pay out activity ang mga LGUs. (Eileen Mencias)