P96K piyansa ‘di umubra: Beauty queen, BF swak sa ECQ

Hindi pa makakauwi sa kanilang tahanan ang Cebuana beauty queen at Spanish boyfriend nito kahit pa nakapagpiyansa na sila dahil sa naging paglabag umano sa enhanced community quarantine (ECQ).

Kinailangan sumailalim nina Maria Gigante, 26, at Javier Filosa Castro, 35, sa 14 araw na mandatory quarantine sa isang isolation faciltiy sa Argao, Cebu na nagsimula noong May 14.

Inaresto ang dalawa noong May 10 dahil sa paglabag umano sa ECQ na pinatupad sa Cebu dahil sa banta ng coronavirus disease. Buking ang magkasintahan sa pagsu-swimming at pag-inom ng alak sa beach sa Moalboal.

Sinampahan ang dalawa ng paglabag sa resistance and disobedience to a person in authority, Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at ordinansa sa Cebu.

Nadagdagan pa ang mga kaso nang malaman ng mga awtoridad na walang permiso mula sa Public Safety Alliance for Transformation and Rule of Law (PATROL) party-list ang pinakita nilang letter of authorization na nagsasaad diumano na mamimigay sila ng relief goods, kaya sila pinalagpas sa checkpoint.

Makaraan ang tatlong araw na pagkakakulong, pansamantalang pinalaya ang dalawa dahil sa piyansang umabot sa P48,000 bawat isa.