Maganda itong balita na magpapautang ang Go­vernment Service Insurance System (GSIS) sa mga aktibong miyembro na sinalanta ng mga bagyong Samuel at Usman.

Aabot sa P20,000 ang puwedeng ma-loan ng mga kuwalipikadong miyembro ng GSIS na tinatayang nasa 82,056 sa 13 lugar sa Luzon.

Sino ang kuwalipikado?

Una, kailangang aktibong GSIS member na nakatira o nagtatrabaho sa mga lugar na sinalanta ng dalawang bagyong nabanggit.

Pangalawa, dapat ay hindi naka-leave of absence without pay sa pinagtatrabahuhan. Kailangan ding walang palya sa hulog (monthly contribution) at wala ring unpaid loans sa nakalipas na anim na buwan.

Pang-apat, dapat ay sumusuweldo ng P5,000 o mahigit pa kada buwan matapos kaltasan ng kontribusyon at loan payment.

Maging ang mga old-age pensioners ay puwedeng mag-apply ng calamity loan basta personal silang tutungo sa alinmang GSIS office o kiosk.

Mabibigyan naman ng P40,000 calamity loan ang mga GSIS member na may nauna nang calamity loan na binabayaran pero ibabawas sa loan ang buong balanse ng lumang utang.

Malaking bagay ito sa mga binagyo lalo’t 36 months to pay o tatlong taong babayaran ang utang.
Salamat sa tulong, GSIS!