Paalala ni ‘Tisoy’ DDR dapat nang itatag

Malinaw ang mensaheng iniwan ng bagyong ‘Tisoy’ sa mga Pinoy: Panahon na para itatag ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR).

Matinding sinalanta ni ‘Tisoy’ ang Timog Luzon at Hilagang Kabisayaan nitong nakaraang ilang araw. Bukod sa mga patay nitong iniwan, winasak nito ang maraming imprastraktura, kabuhayan at bahay ng libo-libong mga mamamayan

Sa isang panayam sa TV sinabi ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House committee on ways and means at pangunahing may-akda ng DDR bill, na “sobra na ang mga nalusaw na yaman at potensiyal ng Pilipinas, at pahirap sa mga Pilipino, gawa ng lumilimit at lalong bumabangis na panahon, kaya dapat nang lumikha ang gobyerno ng isang ahensiyang magpapatupad ng mabisang programang tutugon sa banta at pananalasa ng mga kala­midad.”
Ang tagumpay at bisa ng disaster risk reduction (DDR) program ng Albay ang naging batayan ng panukalang DDR bill ni Salceda.

“Ang zero casualty ay hindi statistics lamang. Nakapaloob dito ang determinasyon na walang bubulagta na lamang dahil sa kalamidad o katigasan ng ulo. Madali itong matupad gaya ng karanasan ng Albay, kung magiging karaniwang ugali at kultura na ng mga tao gaya ng pagkain o paliligo, ang pa­ngalagaan ang kanilang mga sarili, na nagawa na ng mga Albayano. Ang kultura ng ‘resilience’ ang naging buod ng panukalang DDR,” paliwanang ni Salceda.