Nitong nakalipas na limang araw, nabasa kong pumanaw na ang dalawang businessman-sportsman sa katauhan nina John Gokongwei Jr. at Lucio ‘Bong’ Tan Jr.
Yumao si Gokongwei na haligi sa industriya ng airline, retail at malls, banking, paggawa ng snacks, biscuits, at pagkain, sa edad na 93.
Ang 53-taong-gulang na batang Tan ang pangulo ng PAL Holdings, Inc. na nagpapatakbo ng Philippine Airlines, at ang pamilya niya’y nasa banking, paggawa ng alak at sigarilyo, aviation, hotel at banking.
Sa mga ‘di pa nakakaalam, naging marubdob din ang pagmamahal ng dalawa sa sports, partikular sa basketbol.
Isa ang kompanya ni Gokongwei na naging member ng MICAA noong 1973 at tumuloy sa PBA noong 1975. Ginamit niyang mga pangalan ng team sa pro cage league ang N-Rich Creamers, Presto Ice Cream at Great Taste Coffee.
Naglaro sa teams na mga nabanggit sina Ricardo Brown, Joy Carpio, Joel Banal, Manny Victorino, Allan Caidic, at iba pa. Nakaanim na kampeonato sa PBA ang Gokongwei franchise sa paggabay ni coach Baby Dalupan bago nag-disband noong 1992.
Pinasok naman ni Bong ang PBL noong 1995 gamit ang Stag Beer na kalauna’y naging Tanduay na nanalo ng walong titulo bago umakyat ng PBA noong 1999, Naging kontender din ang koponan bago umalis noong 2001. Unang nagkaroon ng PBA team din ang ama niya na Beer House noong 1983-85.
Ako ang PBL commissioner noon at madalas ay tinutulungan kami ni Bong, nagbibigay ng airline tickets ‘pag may mga sinasalihang torneo ang liga sa abroad.
Naglagay din siya ng team sa PBA D-League at sa MPBL, at sa pagyao, siya ang coach ng UE Red Warriors na pag-aari ng pamilya niya sa UAAP.
Patapos na ang second quarter ng laro ng PAL team sa Gatorade Hoops Center-Mandaluyong nang siya ay mawalan ng malay at sinugod sa isang ospital sa San Juan bago binawian nang buhay nitong Lunes.
Paalam sa dalawang haligi ng basketbol.