Kung nagpamalas ng katapangan sa larangan ng pulitika ang yumaong si Senador Miriam Defensor-Santiago ay idol naman ang pagtingin ng mga supporters at mga kabataan sa senadora.

Kaya nagulat ang karamihan sa pagpanaw ng senadora kahapon at idi­naan sa social media ng milyong Pinoy supporters nito sa buong mundo ang kanilang pakikiramay.

Bilang pagkilala sa naging kontribusyon ng senadora sa lipunan ay nagbigay ng tribute ang mga supporters ng senadora na anila ay isang tunay na icon sa akademya at batas at inilarawan bilang ‘Iron Lady of Asia’.

Sa mga huling panahon nito sa mundo sa kabila ng pagkakaroon ng lung cancer na nasa stage 4 ay pinasaya lalo na ang netizens ng senadora dahil sa kanyang mga kwela at pamatay na pick-up lines.

Maaalalang binansagan din si Sen. Miriam na ‘The president the country ne­ver had.’

Kaya naman kahit malungkot dahil pagpanaw ng senadora ay mananatili sa puso ng mga supporters ang magandang legacy na iniwan ni Santiago kabilang na ang perfect combination ng kanyang humor at wit.

Ang senadora ay binawian ng buhay sa edad na 71 sa isang private room ayon sa kanyang kabiyak na si Jun Santiago kahapon ng umaga.

Bata pa lamang ang Senadora ay kinakitaan na ito ng katalinuhan kung saan madalas siyang manalo sa mga school spelling bee at naging valedictorian hanggang sa mahalal itong senador noong 1995.

Isang natatanging karangalang inani ng senadora ay ang pagiging kauna-unahan Pinay na nahalal bilang judge sa International Criminal Court na naka­base sa The Netherlands noong 2011 pero nagbitiw ito matapos na ma-diagnose na may chronic fatigue syndrome na nauwi sa lung cancer.

Pero hindi natapos ang kanyang interes sa pulitika sa kanyang taglay na sakit dahil tumakbo ito sa 2016 presidential elections ka­tambal si Sen. Bongbong Marcos pero hindi pinalad na manalo.

Kaya naman maitutu­ring na makulay ang buhay ng senadora lalo na sa lara­ngan ng pulitika at malaking kawalan lalo na sa Senado sa ganitong panahon kung saan ay maraming kontrobersiya ang tinatalakay.