Dear Kuya Rom,
Minsang nasira ang laptop ko, dinala ako ng kaibigan ko sa pinsan niyang computer technician. Nagkakilala kami. Matagal siyang nanligaw bago ko siya sinagot. Pero on and off ang relationship namin. Kasi masyado siyang seloso at gusto niyang siya lagi ang nasusunod.
Kapag ayaw ko siyang kausapin, nililigawan niya akong muli. Isang buwan nang hindi ako nakikipagkita sa kanya ngayon. Ayaw kong maging bastos kaya’t sinasagot ko ang mga text at tawag niya. Nakikiusap siya na magkita at mag-usap kami.
Alam ng magulang ko, mga kapatid ko, at mga kaibigan ko ang nangyayari. Kapag hindi ako nakikinig sa kanila, at may sarili akong desisyon, nagagalit sila sa akin. Parang dahil sa isang lalaki, nasisira ang relasyon ko sa kanila.
Gusto nilang huwag na akong makipagrelasyon sa boyfriend ko. Hindi nila matanggap ang totoo na boyfriend ko pa rin siya. Love ko siya at alam kong love niya ako. Hindi lang ako nakikipagkita sa kanya ngayon. Nagpalalamig lang. Cool off kami.
Kuya, paano maaalis ang pagseselos ng boyfriend ko? Tama bang siya dapat ang laging masusunod? Kapag nakipagkita ako sa kanya, ano ang mga bagay na dapat naming pag-usapan? Thank you po sa payo mo. — Princess
Dear Princess,
Mukhang sila ay nababahala at init na init, pero ikaw ay kalmado at nagpapalamig lamang.
May dahilan kung bakit kontra sila sa iyo at sa boyfriend mo. Alamin mo kung ano talaga ito at kung totoo talaga ito.
Sa kabilang banda, may sarili kang dahilan kung bakit hindi ka sumusunod sa gusto nila. Mahalagang maging malinaw ito sa iyo.
Magbigayan kayong dalawa. Nag-iibigan kayo, kailangang magkita kayo. Mahalagang pag-usapan ninyo: (1) Bakit nagseselos? (2) Ano ang dahilan ng pagseselos?
Kadalasan, ang “selos” ay pagkainggit sa taong may isang bagay na wala ka. Halimbawa, ikaw na babae ay naiinggit sa ganda ng isang babae, iniiwasan mo siya at galit ka sa kanya.
O ang boyfriend mo ay naiinggit sa porma, galing, at yaman ng ibang lalaki, at ayaw ng boyfriend mo na maagaw ka ng lalaking ito.
Ang selos ay pagiging makasarili at pagkakaroon ng yabang sa puso. Ito ay nauuwi sa sama ng loob at paninira ng kapwa. Ang selos ay nagpapakitang hindi ka nasisiyahan sa bigay ng Diyos sa iyo, at nagrerebelde ka sa Kanya.
Para maalis ang selos, sundin at isabuhay ang mga turo ng Bibliya: Magkaroon ng tunay na pag-ibig. Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi marunong mainggit, hindi hambog o mapagmataas, hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. (1 Corinto 13:4-5)
Iwasan ang pagiging sakim o mainggitin. Maging kontento ka sa anumang nasa iyo. (Hebreo 13:5) Magpasalamat sa lahat ng bagay sapagkat ito ang kalooban ng Diyos (1 Tesalonica 5:18). Nawa’y makatulong sa inyong dalawa ang mga gabay na ito. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom