Dear Kuya Rom,

Ako ay allergic sa usok. Alam ito ng asawa ko na laging naninigarilyo sa bahay, sa kotse, at saan man. Nag-aaway kami tungkol dito.

Kapag may family party at sabik siyang manigaril­yo, sinasabihan ko siyang lumayo sa mesa o lumabas ng bahay sapagkat lahat kami sa family ko, ang tatay at mga kapatid ko ay allergic sa usok.

Limang taon na kaming kasal, pero hindi siya nagbabago. Nagtatakip na lang ako ng ilong. Pero hindi na siya iniimbitahan sa mga party ng family ko.

Ako ay buntis ngayon at malapit ng ipanganak ang panganay namin. Sabi ng doktor, high risk pregnancy ito. Kapag lumabas ang bata, masama ang usok sa kanya. Tiyak na hindi dadalawin ng lolo’t lola ang anak namin kung kasama namin ang mister ko.

Paano hihinto ang asawa ko sa paninigarilyo? Kuya, thank you so much sa anumang payo mo para sa kanya.  — Bessie

Dear Bessie, 

Ang paninigarilyo kahit saan ay kawalan ng disiplina. Ang pangaral ng Biblia ay ito: Kausapin ng masinsinan ang taong walang disiplina. Ibig sabihin, hindi mo aawayin o ituturing na kaaway ang mister mo dahil sa kanyang paninigarilyo.

Manalangin siyang biyayaan siya ng lakas ng Diyos. Ayon sa maraming pag-aaral na ginawa, kapag dumarating ang labis na pananabik sa sigarilyo, ang pananabik na ito ay tumatagal lamang ng limang minuto. Kapag alam ng mister mo ito, marami siyang magagawa para mawala o lumipas ang pananabik niyang manigarilyo.

Halimbawa, sa party ng pamilya, huwag siyang magdala ng sigarilyo sa bulsa. Kapag nananabik siyang manigarilyo, maglakad-lakad at makipagkamayan at makipagkwentuhan siya. Sa loob ng limang minuto, mawawala ang kanyang pananabik. Ang sikreto ay panatilihing abala sa ibang bagay ang bunganga at kamay.

Ito ay dagdag kaalaman para sa kanya. Madalas sa isang party ay may inuman; ang pag-inom ng alak kasabay ng paninigarilyo ay 38 times na magpapalaki ng panganib na magkaroon siya ng kanser sa bunganga. Mahalagang unahin niya ang kalusugan niya at relasyon niya sa kanyang pamilya.

Itigil ang pag-aaway. Ang matibay na pundasyon ng buhay ay pag-ibig. Ang relasyon sa bawat isa ay gaganda kung magsisimula ito sa pag-ibig. Anumang problema sa pamilya ay naaayos kung paiiralin ang pag-ibig sa isa’t isa.

Kung maghahari ang pag-ibig sa puso at isip ng iyong asawa, kung uunahin niya ang kapakanan at kalusugan ng mga mahal niya sa buhay, gagawa siya ng hakbang para itigil niya ang paninigarilyo, kahit ito hindi madaling ihinto.

Mabuting maunawaan ng mister mo na may matatanggap siyang gantimpala kung ihihinto niya ang paninigarilyo. Ang gantimpala niya ay ito: Puno ng pag-ibig na presensiya mo, presensiya ng anak ninyo, at presensiya ng buong pamilya ninyo sa kanyang buhay.

God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom

One Response

  1. TAMA ANG PAYO NI KUYA…HINDI DAHILAN ANG PANINIGARILYO NG ASAWA MO PARA MAG AWAY KAYO AT HIYAIN MO SIYA SA PAMILYA MO…NUNG MAHALIN MO SIYA GANYAN NA SIYA…MABUTI NGA YAN LANG ANG BISYO NYA. EXHAUST FAN LANG KATAPAT NYANG PROBLEMA MO!!!!