Dear Kuya Rom,

Ako ay 30 years old, may matatag na trabaho, nakabili ng sariling condo unit, lilipat na ako dito next year. Pero hindi ako kontento. May mga bagay na gusto kong baguhin sa buhay ko. Kailangan siguro.

Mababa ang tingin ko sa aking sarili. Wala akong close friends, walang girlfriend, at walang karanasan sa sex at ligayang dala nito. Gusto kong magka-girlfriend, pero lagi kong naiisip na hindi kami magtatagal, kasi magiging problema ako o siya, maaaring hindi ako para sa kanya at hindi siya para sa akin.

Nahihiya ako sa aking sarili, at araw-araw na ­nangangarap na sana’y hindi ako ganito.

Marami akong frustration. Gusto kong makatapos ng college at maging teacher, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin sa buhay ko.

Ganito na lang ba ako? Paano mababago ang buhay ko? Liligaya pa ba ako? May pag-asa pa ba ako?

—Nathan

Dear Nathan,

Ang pagbabago ay unti-unting ginagawa. May pag-asa kang magbago, sapagkat walang imposible, at lahat ay posible.

Pero bago ang lahat, siguruhin mo kung ano talaga ang mga bagay na gusto mo.

Malaking tulong sa iyo kung mayroon kang nakikitang mabuting ehemplo o idolo ng buhay na gusto mo.

Gusto mo bang kasing guwapo ka ng isang desenteng tao? Gayahin mo ang kanyang gupit at pananamit. Sabihin mo sa hairdresser ang gusto mong putol ng buhok mo.

Bumili ka ng mga damit na desente na tulad ng mga suot ng artistang hinahangaan mo.

Kung wala siyang bigote, at gusto mo ang kanyang itsura, mag-ahit ka.

Makikita mo agad ang panlabas na pagbabago. Mapapansin ito ng mga taong nasa paligid mo. Kung maligaya ka sa kanilang mga komento, ibig sabihin maganda ang bunga ng pagbabagong ginawa mo sa iyong gupit at pananamit. Mabuting ipagpatuloy mo ang mga ito.

Gusto mo bang maging tulad ng isang magaling na professor na hinahangaan mo?

Kausapin mo siya. Tanungin mo siya kung ano ang sikreto ng kanyang tagumpay. Kung concentration, time management, at masikap na pag-aaral ang sekreto, tularan mo ang mga ito, at tiyak na ikaw ay makakatapos ng college sa kursong gusto mo.

Gusto mo bang maging teacher? Maghanap ka ng isang school na nangangailangan ng teacher. Siguruhin mong kukunin ka nila. Tapos, mag-resign ka sa iyong trabaho.

Higit sa lahat, baguhin mo ang iyong ugali. Lumapit ka sa Diyos, at babaguhin Niya ang iyong pagkatao. Bibigyan ka Niya ng gabay upang ikaw ay makapamuhay ng matuwid at maging kahanga-hanga ang iyong buhay sa paningin ng iba.

Kung ikaw ay may desenteng gupit, pananamit, trabaho, at namumuhay ka ng marangal, maaaring babae pa ang lalapit sa iyo, lalo na kung hindi ka suplado.

Kung desente siyang babae at may magandang karakter na gusto mo, ligawan mo siya.

Isang araw, magugulat ka, may asawa ka na at maligaya. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom