Paano maging isang basketball superstar?

May dalawang linggo na kung saan ko binanggit ang 10 paraan kung papaano makakamit ng isang manlalaro na maging basketball superstar.

Mahirap pero kakayanin kung tayo ay magpo-focus lang sa ilang bagay na tayo mismo ang makakagawa. Nabanggit ko na, para maging matagumpay sa larangan ng basketball, kailangang mag-“aim to be the best.”

Sabihin natin sa sarili natin na, ako ang magiging pinakamagaling na player sa eskuwelahan, sa ligang sinasalihan ko, at magtatrabaho ako nang husto. Mag-ensayo palagi, sa lahat ng oportunidad.

Hindi kailangan ang isang basketball court para mag-ensayo. Puwede sa inyong lugar o tahanan, katulad ng garahe, terrace o kung saan-saan pa. Sinabi ko rin na makinig lagi sa coach, at itanong kung saan ka mahina at sundin ang payo niya.

Kung tayo ay mageensayo, mag-practice tayo ng shooting, passing, defense, ball handling at lahat ng departamento ng basketball, para tayo ay magiging isang kumpletong player. Ngayon, gusto ko namang banggitin ang mga iba pang kailangan nating gawin as a player.

Ito ay ang mga sumusunod: Mag-ensayo kasama ang mga kaibigan natin araw-araw kung puwede. Doon lang tayo magkakaroon ng kumpiyansa sa pagshoot, at sa laro. Kung practice tayo nang practice, made-develop ang ating muscle memory sa pag-shoot at ito’y magreresulta sa pagiging consistent shooter natin.

Sa laro, huwag tayong reklamo nang reklamo. Ibigay lang natin ang lahat at ito’y magreresulta ng maganda. Alisin natin ang attitude na “hindi natin kaya ang kalaban.” Ibigay natin ang 100% sa laro. Huwag matakot sa kalaban. ‘Wag tayo mag-give up, kahit na malaki ang lamang ng kalaban.

Suportahan natin ang ating mga kakampi. Pakitaan natin ng respeto ang management, coaching staff at team support crew. Sa lahat ng oras, maging good sport tayo. ‘Wag maging basagulero.

“Be a good winner but better loser” at sa lahat ng araw, magkaron ng malinis na pamumuhay, kumain nang tama, at magpahingang mabuti, para handa tayong magensayo at maglaro nang tama sa susunod na araw.