By Atty. Claire Castro
Dear Atty. Claire,
Good day po attorney. Ako po ay sumulat sa inyo dahil hihingi po sana ako ng legal advice. Ito po ay tungkol sa pamangkin ng asawa ko. Ang kanyang pamangkin ay isang “illegitimate child”. Ang nanay kasi ng bata (hipag ko) ay sumakabilang buhay na dahil sa panganganak niya sa bata, samantalang ang tatay naman nung bata ay kasalukuyang nakakulong (wala pang katiyakan kung kailan siya palalayain), at dahil dito, kami na ang nag-aalaga sa bata na ang edad ay apat na taon pagdating ng Enero 2019. Tatlo pala ang anak nung hipag ko sa lalaki, kaya lahat po sila ay “illegitimate children”. Gusto sana namin kumuha na ng birth certificate niya, ano po ba ang kailangan naming gawin? Dapat ba ang apelyido nung bata ay sa ina o sa ama? Di kilala ng bata ang kanyang “biological father” dahil siya ang bunso, samantalang yung dalawang nakakatanda niyang kapatid ay kilala nila ang kanilang ama. Yung birth certificate po sana ay gagamitin namin sa pag-apply ng Philhealth. Sana po ay masagot ninyo ang liham ko. Maligayang Pasko po at pagpalain kayo ng Diyos.
Salamat po,
Alvin
Mr. Alvin,
Nung pinanganak ba ang bata (dahil mag-aapat na taon na sa Enero) ay walang pang birth certificate? Alamin muna ninyo kung hindi pa talaga rehistrado ang bata dahil kapag mayroon na siyang birth certificate at magpapagawa pa kayo ulit ay siguradong mas magkakaproblema ang bata sa mga susunod na taon dahil magiging dalawa ang kanyang birth certificate.
Kung halimbawa naman na hindi pa rehistrado ay dapat na kausapin muna ang ama nito kung kinikilala ba niyang anak ang bata dahil kung kikilalanin naman niya ay maaaaring ipangalan sa kanya ang bata sa pamamagitan ng Revilla Law at kung papayagan naman ng mga guardian ng bata.
Kung ang mga kapatid naman niya ay nakapangalan sa ama ay mas mainam na pare-pareho na sila ng apelyido kaysa maiba pa siya sa kanyang mga kapatid.
Kahit hindi niya pa niya kilala ang kanyang ama ay mananatili siyang anak nito at karapatan din naman ng tatay na magdesisyon tungkol sa pagpaparehistro ng anak niya.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624/ 922-0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com