Dear Kuya Rom,

Si lolo ay 80. Sabi ng doctor, siya ay may sakit na dementia o pagiging ulyanin. May mga tao raw na kapag matanda na ay nagiging ulyanin at mahirap ­pakisamahan.

Si lolo ay ganito. Nakatira siya sa amin, kasi ang tatay ko ay panganay na anak niya.

Tatlong lalaki kami sa bahay, si tatay, ako, at ang tito ko. Kami ang madalas na nag-aalaga sa lolo. Si tatay ang may tiyaga sa lolo.

Pero si tito ay hindi, at madalas na nag-aaway sila, lalo na kapag oras na dudumi si lolo. Magulo sila kung nag-uusap. Nasasampal ni lolo si tito, kasi nasasaktan ni tito si lolo. Nagkakasakitan silang dalawa.

Ako naman, ginagaya ko si tatay, may pasensiya kay lolo. Ako ang tumitingin sa kanya kapag wala sina tatay at tito sa bahay. Si tatay ay may kotseng gamit na Uber car, at dito siya kumikita. Si tito naman ay may trabaho sa call center, at panggabi.

Sabi ni tatay, maawa ako kay lolo, kasi may sakit siya. Walang school ngayon, kaya laging nasa bahay ako, kasi kailangan ni lolo ng kasama.

Kaya lang, nakakainis at nakakapagod siya. Hindi ko naman magawang tumalikod at lumabas ng bahay, kasi sabi ni tatay kailangang bantayan ko si lolo kahit siya magulo at parang bata na hindi alam ang ginagawa.

Matagal na kaming kasama niya sa bahay, pero hindi niya kami nakikilala. Pero kahit hindi niya ako kilala, natu­tuwa siya kapag kausap ko siya. Kinukuwentuhan ko siya.

Kuya, may gabay ba sa pag-aalaga ng may sakit na dementia? Ano ang mga kailangang gawin para kay lolo? Paano mamahalin ang isang ulyanin? — Jay

Dear Jay,

Malaking tulong ang mapakinggan mo ng mabuti ang paliwanag o instructions ng doctor tungkol sa sakit na dementia ng lolo mo. May mga gabay para rito at mabuting sundin ang mga ito. Malaking hamon ito sa inyong pamilya.

Ang pagiging ulyanin ay isang uri ng sakit sa utak ­dahil sa katandaan. Walang eksaktong lunas o gamot sa sakit na ito. May mga pagbabago sa utak ng may sakit na unti-­unting mangyayari sa mahabang panahon.

Kailangan niya ng mga taong mag-aalaga sa kanya. Ayon sa isang dementia specialist, narito ang ilang gabay para sa pag-aalaga kay lolo:

(1) Tiyaking ligtas si lolo sa anumang bagay na ­magiging sanhi ng disgrasya niya.

(2) Gawing regular ang mga dapat niyang gawin sa araw-araw para masanay siya.

(3) Gawing malapit sa kanya ang mga kilala niyang ­bagay o kagamitan sa bahay.

(4) Kausapin siya ng malinaw na may pag-ibig, awa, at paggalang; hindi pagalit.

(5) Sa pakikipag-usap sa kanya, mapasensiyang ­hintayin ang kanyang sagot.

(6) Bigyan siya ng layang pumili sa kung ano ang ­gusto niya.

(7) Makakatulong ang simpleng pagtatanong na masasagot niya ng oo o hindi.

Jay, okay lang kung hindi ka niya nakikilala. Kung ­hindi niya maalala ang pangalan mo, magpakilala ka sa kanya at kaibiganin mo siya. Ipagdasal mong ingatan siya ng Diyos.

Bigyan mo siya ng pag-ibig na mapagpasensiya. Patuloy mong mahalin si lolong ulyanin, at lalong matutuwa siya sa iyo. May God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom