Lumambot na si Pangulong Rodrigo Duterte sa dating hinihirit na emergency powers para sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa Pangulo, hindi na niya ipipilit sa Kongreso ang emergency powers kung duda ang mga ito sa ibibigay na kapangyarihan.
Ang e-powers ay hinihingi ng gobyerno sa pangunguna ng DOTr upang mapapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong makakatulong sa pagresolba sa problema sa transportasyon sa bansa.
Aminado naman ang Pangulo na maaaring ang kawalan ng bidding sa mga proyekto ang maaring rason ng Kongreso kaya atubili itong igawad ang nasabing kapangyarihan.
Pero muling pinaalalahanan ng Pangulo ang Kongreso na walang puwang sa kanyang liderato ang korapsyon kaya hindi maaaring mabahiran ng katiwalian ang mga proyektong isasakatuparan ng pamahalaan para solusyunan ang mga problemang may kinalaman sa transport sector.
Nauunawaan natin ang punto ng Pangulo at maging ng Kongreso sa usaping ito dahil sa sandamakmak na korapsyong nangyari sa ilang proyekto ng gobyerno sa mga nagdaang administrasyon.
Maaari nga lang na may pagdududa ang Kongreso lalo na’t mabilisan ang pagpoproseso ng mga kontrata dahil sa ipaiiral na emergency powers.
Hindi rin naman maaring panghawakan ang pahayag ng Pangulo na walang puwang sa kanyang administrasyon ang korapsyon dahil sa kabila ng ginagawa nitong paghihigpit ay may ilan pa ring mga opisyal ng pamahalaan ng kasalukuyang administrasyon ang hindi nakaiwas sa kaway ng katiwalian katulad nang sinapit ni dating Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno na nakaladkad sa katiwalian. Kaya napakahirap panghawakan ng pangakong ito ng Pangulo.
Papaano kung naisakatuparan na ang kalokohan at huli na nang mabuking, pagsibak na naman ang solusyon?
Ang sa amin sana ay maging transparent pa rin sa mga kontratang aaprubahan upang sa gayon ay walang pagdududa at kalokohang magawa ang mga opisyal ng gobyernong bibigyan ng kapangyarihang mangasiwa sa mga proyekto.
Nasolusyunan nga ang mga sakit sa ulong hatid ng problema sa transportasyon, paano kung namayagpag ang korapsyon dahil sa mabilisang pag-apruba sa kontratang gagawin?