Paano matutuloy ang kasal?

Dear Kuya Rom, 

Ikakasal na ang pinsan ko at naiinggit ako. Ang pangarap kong kasal ay hindi nangyayari at parang malayong mangyari.
Tatlong taon na kaming nagsasama ng boyfriend ko. Parehas kaming may trabaho.

Nakabili kami ng lupa’t bahay at dito kami nakatira. May isa kaming anak na inaalagaan ng pinsan ko na kasama namin sa bahay.

Ang sabi niya, iniisip niyang makasal kami. Kaso hindi naman siya kumikilos para mangyari ito. Gusto ko nang sabihin sa kanya, “Magpakasal na tayo”. Pero hindi ko magawa.

Paano matutuloy ang kasal? Paano ko sasabihin sa kanya ang gusto ko sa paraang kikilos siya para matupad ito? — Olga

Dear Olga,

Ang buhay ninyong dalawa ay tulad ng isang sasakyang mabilis ang takbo, malayo na ang narating, pero biglang huminto — tumirik. Kailangang alamin kung ano ang problema.

Alam niyang gusto mong magpakasal kayo, pero wala siyang ginagawa, kaya’t parang sasakyang nakatirik ang inyong buhay. Maaaring umaandar, pero hindi makausad. May kailangang ayusin.

Mag-usap kayo. Parehas na gusto ninyong magpakasal, pero ano ang pumipigil para matupad ito? Maaaring kayong dalawa ang dahilan — kayo ay nasanay nang nagsasama kahit walang kasal.

Ayusin ang dapat ayusin. Paghandaan ang dapat paghandaan. Hindi kailangang mamahalin ang wedding ring. Magdesisyon kayo na simpleng kasalan lamang ito na dadaluhan lamang ng inyong immediate family at mga sponsors.

Tiyakin mo sa boyfriend mo na hindi ka nanganga­rap ng isang engrandeng kasalan. Sa ganitong paraan, hindi siya masyadong mag-aalala, luluwag ang kanyang dibdib at hindi siya mabibigatan.

Kung kaya mo, tulungan mo siya sa mga gastusin sa kasalan. Sabihin mo sa kanya na handa kang gawin ang kailangang gawin upang matupad ang kasalang matagal na ninyong iniisip.

Ang inyong pamilya, mga ninong at ninang ay puwede ring tumulong sa gastusin. Kailangan lamang na maging bukas kayo sa mga bagay na bumabagabag sa inyo. Iparating ninyo sa kanila na kailangan ninyo ng tulong. Ang may mga pusong tumulong ay tutulong sa inyo.

Sabihin mo sa kanya na ang kasalang ito ay magpapakita ng commitment ninyo sa isa’t isa.

Hangad ninyong may pagpapala ng Diyos sa inyong buhay sapagkat gusto ninyong maging maligaya at matagumpay ang inyong relasyon.

Kapag maliwanag na ang lahat, pumili kayo ng petsa ng kasal at magpakasal kayo. God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom