Paano nakalusot? Residente ng Parañaque subdivision dumaing sa Chinese crime

Pinagtataka ng mga residente ng isang subdivision sa Parañaque City kung paano nakalusot at nakapagtayo pa ng isang underground hospital para sa mga Chinese sa kanilang lugar gayong mahigpit umano ang seguridad dito.

Ayon kay Mel Marquez, presidente ng We Love Multi Homeowners Association, sinabi nito na nauna nang ni-raid ang naturang lugar noong Pebrero 9 bilang isang sex den.

“Kung tutuusin dapat hotbed na ‘yan. Dapat under close monitoring na ‘yan. Hindi na po dapat nagkaroon ng second opportunity,” ayon kay Marquez sa panayam sa radyo.

Ayon sa isang eyewitness, ni-raid na umano noong Pebrero kung saan may mga hubot hubad na tao ang lumabas mula sa second floor samantala isang Tsino umano ang humingi ng tulong sa kanya upang magtago sa kanyang bahay subalit nahuli ng mga kapulisan.

Natataka pa umano ang ilan sa residente kung paano nakalusot ang mga Chinese national sa security ng subdivision gayung napakastrikto nito sa mga residente.

“That’s the great question, kung paano ‘yang mga katulad na ‘yan nakakalusot. Kami, ‘di kami basta makalabas, makapasok during ECQ. May window hours lang kung kailan kami pwede gumalaw,” ayon kay Marquez.

Napag-alaman na patuloy pa rin umanong ang konstruksyon sa building ng mga Chinese sa loob ng subdivision kahit na may cease-and-desist order sa tanggapan ng mayor.

Ang iligal na clinic na ito ay kabilang sa mga ni-raid ng awtoridad kamakailan tulad sa Fontana Leisure Park sa Clark, Pampanga, at Makati. (Riz Dominguez)