PAANO N’YO PINATAY ANAK KO?

Interesado ang ina ng UST law freshman student na si Horacio Castillo III na sinasabing napatay sa hazing na makita ang sumukong miyembro ng Aegis Juris fraternity na si John Paul Solano kahapon.

“I would like to see him. Ikuwento niya sa akin paano nila pinatay ang anak ko. Every detail, I want to know: who was there, who saw it, who made it happen, paano, anong oras, saka saan,” ang sunud-sunod na tanong ni Ginang Carmina Castillo, ina ni Horacio matapos na mabatid ang pagsuko ni Solano.

“Buti lumutang siya, buti nagpakilala siya, nagpakita siya,”dagdag pa ni Mrs. Castillo.

Ngayong sumuko na si Solano sa mga awtoridad ay humihingi ito ng hustisya sa karumal-dumal na krimeng inabot ng anak.

“I want justice. I want conviction,” panawagan pa ng ina ni Horacio.

Nauna nang naiulat ng TONITE sa ekslusibong ulat kamakalawa ang pagsuko ni Solano sa isang mataas na opisyal ng gobyerno.

Nangyari ang pagsuko ni Solano na isang miyembro ng Aegis Juris fraternity kahapon sa tanggapan ni Senador Panfilo Lacson sa BGC, Taguig City.

Kasunod ng pagsurender ni Solano kay Lacson ay itinurn-over ito kay Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Coronel na present din sa tanggapan ni Sen. Lacson nang mangyari ang pagsuko.

2 lalaki tetestigo

Lumutang naman sa Department of Justice (DoJ) ang dalawang umano’y nakasaksi sa pagkamatay ni Horacio upang makipagtulungan sa imbestigasyon sa kaso.

Gayunman, tumanggi si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll na ibunyag ang kanilang mga pangalan para sa kanilang proteksyon.

Ayon sa kalihim, isang hindi miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang nagtungo sa DOJ at nakipag-usap sa kanya noong Miyerkules ng gabi para sabihing may nalalaman ito sa pagkamatay ni Castillo.

Aniya, tinangka itong i-recruit ng Aegis Juris subalit hindi ito pumayag.

Samantala, miyembro ng nasabing fraternity ang isa pang nagnanais na tumestigo subalit nakikipag-ugnayan lang umano ito sa kalihim ng DoJ sa pamamagitan ng text matapos makatanggap ng death threat mula sa Aegis Juris. fraternity.

Sangkot pa sa hazing pinalulutang

Hinamon nina Senador Juan Miguel Zubiri at Senador Joel Villanueva ang iba pang sangkot sa pagpatay kay Castillo na sumuko na sa mga awtoridad.

Ito ay kasunod ng pagsuko kay Senador Lacson ng Solano.

“I welcome his (Solano) surrender and appreciate Dean (Nilo) Divina’s efforts in facilitating Solano’s surrender,” saad ni Zubiri.

Iginiit ni Zubiri na dapat nang sabihin ni Solano ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa pagpatay kay Castillo.

Sa panig naman ng Thomasian na si Senador Villanueva, sinabi nito na naniniwala siyang makikipagtulungan ang UST partikular na si Atty.Divina sa ikareresolba ng kaso.

Iginiit naman si Senador Sherwin Gatchalian na dapat nang ikanta ni Solano ang iba pa niyang mga kasama sa fraternity na nasa likod ng insidente.