Paanyaya ng Diyos sa ating pagiging ‘liwanag’ ng mundo!

Ipinagdiriwang ­natin ngayong Linggo ang “Linggo ng Salita ng Diyos”. Sa ‘motu propio’ (sa Latin, ‘­sariling pagkukusa’) o dokumentong inilabas ni Papa Francisco noong Setyembre 30, 2019 itinalaga ang Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon para sa “selebrasyon, pag-aaral at diseminasyon ng Salita ng Diyos.”

Perpekto ang ­timing ng nasabing ‘edict’ o kautusan sa mapaghamong imbitasyon na naghihintay sa ating pagtugon sa mga pagbasa ngayong araw. Sa Ebanghelyo (Mt. 4:23) matutung­hayan ang simula ng pagmimisyon ni ­Hesus at ang kanyang masuyong paanyaya sa mga alagad: “Sumunod kayo sa akin!”

Mula sa mga abang tao hinirang niya ang kanyang mga magi­ging katuwang sa pagiging saksi at pagsasabuhay ng Paghahari ng Diyos. Pumili siya ng mga simpleng mangingisda na inatasang, “Sumunod kayo at sakin at gagawin ko kayong mamama­lakaya ng mga tao.”

Turo ng Simbahan, patuloy ang Diyos Ama sa pag-aanyaya sa atin tungo sa pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Anak na si Hesus. Ngayong ‘Linggo ng Salita ng Diyos’, sama-sama tayong dumadala­ngin at humihiling na gawing mga tapat na mga lingkod upang makapamuhay tayo ng naaayon sa kalooban ng Poon.

Payo ni Lolo Kiko sa lahat ng mananam­palataya, “Let us bear Jesus’ word, love and tenderness to all the peripheries. Our Lord chooses to be an ‘itinerant prophet’. He doesn’t stay and await people, goes to encounter them. Jesus is always on the road!” Sa ating pagsunod kay Kristo tayo rin ay nagiging ‘liwanag’ tulad Niya sa mundong pinadi­lim ng materialismo at sekularismo.

Hindi kalooban ng Diyos na makita Siya ng mga tao sa kagila-gilalas o kahanga-hangang mga paraan, saad ng Papa, kundi sa pang araw-araw o ordinar­yong mga pangyayari sa buhay. “There we must discover the Lord; and there he reveals himself, makes his love felt in our heart; and there- with this ­dialogue with him in every­day circumstan­ces of life- he changes our hearts!”

Katulad ng mga ­unang alagad sa Ebanghelyo, inaasa­han ni Kristo ang ating bukas-loob sa tugon sa Kanyang paanyaya. Sa ­Linggong ito, espesyal ang panalangin ng Iglesya para sa Santo Papa, mga pari, obispo relihiyoso, at misyonero upang pa­tuloy silang ma­ging tapat sa misyon na magsilbing ­liwanag ng ­Ebanghelyo sa ­lahat.

Bilang mga Kristiyano, paalala ni Bishop Teodoro C. Bacani, Jr. D.D., sa bisa ng Binyag tinanggap natin ang hamon na buong tapat na sundan si HesuKristo. Sa katunayan, ani Bishop, ito ang ating ‘bokasyon’ at ‘misyon’ sa mundong ibabaw. Hindi na tayo kailangang lumayo pa aniya upang maging tagapagdala ng ‘Mabuting Balita’, kailangan lang na­ting buksan ang ating mata at puso sa mga nakapaligid sa atin na patuloy na nagugutom at nauuhaw sa Diyos at Kanyang Salita!