Napakarami nang solusyong inilatag ang gobyerno sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sa katunayan, kasabay nang pagpapalit ng pinuno ng ahensya sa magkakaibang administrasyon ay may mga reporma ring ipinatutupad.
Pero sa dami ng mga polisiya o programang inimplementa ay wala tayong makitang tumatak at masasabing naging epektibo at nasolusyunan ang problema sa trapiko.
Kaya ang sa amin, itigil na sana ang pag-eksperimento ng mga bagong polisiya. Bakit hindi tutukan at seryosong ipatupad ang dati nang mga sistema na naging epektibo naman pero hindi lang nagkaroon ng pagkakataong maipatupad ng istrikto.
Katulad na lamang ng pagtatalaga ng puwersa ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa EDSA upang makatulong sa pagmamantini ng trapiko na kadalasang ipinatutupad tuwing papalapit na ang Christmas season.
Ang sa amin, bakit hindi regular na magtalaga ng tauhan ng PNP-HPG sa mga matatrapik na lugar at sabayan ng puspusang pagsasanay sa mga tauhan ng MMDA na katulad ng kakayahan sa pagmamantining ipinatutupad ng mga taga-PNP-HPG sa pangangasiwa ng daloy ng trapiko.
Sa ganitong paraan, nakatitiyak kaming mababawasan ang problema sa trapiko na araw-araw na dinaranas ng mga motorista.
Kumbaga ay kailangan lamang ng consistency sa mga programa at hindi pabagu-bago upang sa gayon ay makamit ang tagumpay.
Kung bawat itatalagang pinuno ay magpapatupad ng kani-kaniyang solusyon, malabo nating mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Ang dapat ay maging perpekto muna tayo sa mga ipinatutupad na polisiya bago maghanap ng mas epektibong solusyon.