Pabahay ng Malabonians malabo?

Hindi na bago sa isang lungsod ang demolisyon dahil sa araw-araw na paglobo ng tao na parang mga kabute.

Napakalaking pasanin nito para sa nakarara­ming pamilya na dalawa o tatlong dekada nang naninirahan sa kanilang kinatatayuang lugar at nakabuo na ng pamilya at sariling kabuhayan doon.

Isa ang Malabon sa may pinakamataas na bilang ng mahihirap na karamihan ay naninirahan sa mga maralitang pamayanan o informal settlers area at walang sariling tirahan.

Kaya naman ganun na lamang ang pagtuligsa ng marami sa naganap na harassment at demolisyon na walang court order noong 2017 sa CMF Upper Catmon, Malabon kung saan ang mga residente ay ina­lisan ng power supply at sinampahan ng kung ano-anong kaso para mapaalis lang sila.

Kaya nga patuloy ang kanilang panawagan na idepensa at labanan ang banta sa kanilang paninirahan. Nakakalungkot isipin na ito ang palaging eksena at panaghoy ng mga residente sa Malabon — ang magkaroon ng sariling bahay.
Sa totoo lang, hindi na bago ito kasi isa lamang ito sa maraming kaso ng demolisyon sa Malabon sa ilalim ng kasaluku­yang mayor nila.

Alinsunod sa pahayag at deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na “No relocation, no demolition policy,” mariin niyang kinukundena ang pagkakaroon ng demolis­yon sa mga nakatira sa “squatters” area dahil sila ay hindi dapat parusahan sa pagiging mahirap nila.

Mayroon na ring alituntunin ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na ang bawat mamamayan na may panganib na mapaalis ay mabibigyan ng maayos na relokasyon o financial assistance.

Sa lungsod ng Malabon, kuwestiyonable ang nakatala sa Annual Ge­neral Fund Budget simula 2017 na nagkakahalaga ng P23.1 milyon at 2018 na nasa P23.5 milyon dahil sa pagkakaroon ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) na mayroong mandato umanong umasiste sa pagsasaayos ng problema ng mga pamilya pagdating sa basic servi­ces, tenural rights, pagtulong sa implementasyon ng Socialized Housing Program at pagtukoy sa mga relocation sites para sa kanilang maayos na lilipatan.

Eh bakit marami pa rin sa lungsod ang may banta ng demolisyon?

Nasaan na ang nakatalang mandato ng lungsod na pangunahan at i-monitor ang implementasyon ng programa ng lokal na pamahalaan pagdating sa urban poor, gender and community development, nasaan na ang kanilang pangako na tutulungan ang mga maralita sa pagsasaayos ng kanilang problema sa paglaban sa kanilang karapatan bilang residente ng Malabon at marami pang iba?

Heto pa kung ating susuriin ang mga performance indicator sa nasabing tanggapan, wala ka namang makikita na inilaan para sa pagpapatayo ng pabahay para sa in-city relocation na maglilipat sa mga mamamayan ng Malabon sa maayos at permanenteng bahay.

Karamihan ay puro training sa peace and order na nilahukan ng mga barangay tanod at ladies, at lupong tagapamayapa.
Nasaan na ang CUPAO na itinalaga para sa mga reklamo at hinaing ng mga mamamayan sa Malabon tungkol sa iligal na demolisyon?

Tanong pa ulit, bakit hindi ipinaglaban ni Mayor Lenlen ang usa­ping ito sa loob ng anim na taon ng kanyang pagiging alkalde?

Sa nakaluklok ngayon na si Mayor Lenlen, kailan mo pa ba magiging pangunahing adhikain ang ipaglaban ang kahirapan ng mga mamamayan sa Malabon?