Nais ng labor group na nakabase sa Bulacan na ipamahagi na ng National Housing Autho­rity (NHA) ang nakalaang housing units para sa kanilang mga kasapi na dalawang taon nang naka­binbin ang housing application at dumaan ito sa maayos na proseso bukod pa sa may rekomendasyon ang provincial government.

Ito ang saloobin ng Partido Manggagawa (PM)-Bulacan chapter na dalawang beses nang kinakalampag sa pamamagitan ng kilos-protesta ang tanggapan ng NHA sa bayan ng Balagtas.

Anila, dumaan sa maayos na proseso at kumpleto ng requirements ang housing application ng halos 500 nilang miyembro kaya dapat na itong ipagkaloob sa kanila ng gobyerno.

Dalawang beses nagsagawa noong buwan ng Abril ng protesta ang naturang labor group sa tanggapan ng NHA at sa pinakahuli nilang protesta ay hinihiling nilang itakda ang araw ng paglipat sa housing units ng kanilang mga kuwalipikadong miyembro.

Sinabi ng grupo na hindi nila ito ilegal na ookupahan dahil taong 2015 pa nakapasok ang kanilang aplikasyon para sa low-cost housing project na ito.