Nagbanta ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na kakasuhan nito ang punong barangay na hindi tumutulong sa isinasagawang road clearing operations ng pamahalaang lungsod.
Ito ang babala ni Manila Mayor Joseph Estrada, bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Duterte na linisin ang mga lansangan sa illegal vendors, illegal terminals at iba pang sagabal sa kalsada.
Aniya, mula noong Hunyo 2016 ay tuluy-tuluy ang citywide road clearing campaign na pinatutupad ng lokal na pamahalaan kung saan nakapagtaboy na ng mahigit 3,500 illegal vendors at nakapag-alis na ng maraming illegal structures at iba pang harang sa mga kalsada at bangketa.
“Oo, parating na tayo diyan,” sagot ni Estrada kung kakasuhan din niya ang mga pabayang opisyal ng barangay tulad ng ginagawa ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“Tama ang gusto ni Pangulong Duterte na i-engage ang mga barangay chairmen, wala naman pumipigil sa kanila na tumulong sa pagsasaayos ng trapiko. Responsibilidad din nila ‘yun,” dagdag ng alkalde.