Kahit sino ang tanungin ay sasabihing naaapek­tuhan sila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga panguna­hing panga­ngailangan.

Sa kabila nito, imbes na harapin ang problema ay patuloy pa ring itinatanggi ng administrasyong Duterte na ito ay dulot ng TRAIN Law. Tila hindi nababahala ang administrasyon habang pakonti nang pakonti ang kinakain ng mga tao dahil sa paliit na paliit na halaga ng kanilang budget.

Nitong Marso 2018, ini-report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo na sa 4.3% ang inflation rate. Ito ay pinakamataas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin mula noong Nobyembre 2011.

Sa katunayan, tumaas ng 5.7% ang presyo ng pagkain noong Marso 2018 na malayong-malayo sa 3.1% na naitala noong Marso 2017. TRAIN Law ang itinuturo ng mga observer na salarin nito.

Masyadong mabigat ito sa bulsa ng mga mamamayan lalo na sa mga minimum-wage earner at sa mga sumasahod pa ng under minimum. Papaano pa kaya ‘yung mga walang regular na trabaho?

Hindi pa kasama rito ang pagtaas ng pasahe dahil sa pagtaas ng pres­yo ng mga produktong petrolyo. Kasalukuyan pang dinidinig ang petis­yon para sa fare increase ng mga transport group pero kapag nangyari ito, lalong mararamdaman ng mamamayan ang bigat ng Duterte tax plan.

Maliban sa pagkain ay tumaas din ang hou­sing, tubig, at kuryente ayon sa mga ulat. Patuloy ang pagtaas dahil noong Marso umabot na sa 2.9% ang naitalang pagtaas ng presyo mula sa 2.7% noong Pebrero.

Papaano na lamang ang mga kababayan natin na nangangarap na magkaroon ng sariling bahay? Hanggang pangarap na lamang ba dahil ang ma­ginhawang buhay na ipinangako ng administras­yong ito kaya naluklok sa kapangyarihan ay kabaliktaran ang isinasagot sa mga mamamayan?

Kung sana’y bumababa ang mga opisyales natin sa sitwasyon ng ating mga kababayan, mararamdaman nila ang bigat na pinapasan ngayon ng mga Filipino dahil sa bagong sistema ng pagbubuwis. Ito ba ang sagot sa mga umasa sa pangako ni Duterte na aahon ang mga mahihirap sa kahirapan?

Napakalaking pagsubok ang kinakaharap ng lahat ng ating mga kababayan lalo na ang mga nasa mahihirap na sektor. Ang mga negatibong dulot ng minadaling TRAIN Law ay hindi dapat balewalain ng gobyerno. Kung talagang may malasakit ang Pangulo sa mga Filipino, unahin na lagyan ng laman ang kanilang sikmura. Kahirapan ang dapat tutukan at resolbahin.