‘Pabili service’ ng mga tricycle driver nilunsad sa Valenzuela City

Dahil sa kakulangan ng transportasyon kaugnay sa ipinatutupad na social distancing dulot ng COVID-19 pandemic, maaari nang mag-deliver ng mga produktong ang mga tricycle driver sa Valenzuela City gamit ang kanilang ipinapasada.

Sa pakikipag-ugnayan ni Mayor Rex Gatchalian sa mga transport service na JoyRide at Happy Move, nabigyan ng pagkakataon ang mga tricycle driver na madagdagan ang kita sa pamamagitan ng delivery service.

Nilagdaan ng alkalde at mga nasabing kompanya ang kasunduan noong Biyernes sa Valenzuela City Blood Bank and Volunteer Room. Dahil dito, maaari nang mag-deliver ng anumang produkto gaya ng pagkain, ang mga tricycle driver gamit ang kanilang online platform.

Base sa napagkasunduan, 33 barangay lamang sa lungsod ang seserbisyuhan ng mga tricycle driver para sa purchase service at ang presidente ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ang magsa-submit ng pangalan ng kanilang mga miyembro na nais mag-sideline sa programa.

Makukuha naman ng mga driver ang kanilang kita sa pamamagitan ng GCASH o sa PayMaya.

Sa ngayon ay nasa 8,000 ang mga tricycle driver sa Valenzuela City at inaasahan na marami ang magsa-sideline sa online booking lalo pa’t isang pasahero lamang ang kanilang maaarin isakay sa tricycle.

Nagpahayag naman ng kasiyahan ang mga tsuper dahil madaragdagan ang kanilang kita na iuuwi sa kani-kanilang pamilya. (Orlan Linde)