Pablo, Motolite binyagan kontra Pacific Town Army

Pablo, Motolite binyagan kontra Pacific Town Army

Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre, San Juan)
2:00pm — BaliPure vs BanKo Perlas
4:00pm — Pacific Town Army vs Motolite

Mananagasa para sa kanilang debut game ang Motolite team sa pangunguna ni veteran spiker Myla Pablo kontra Pacific Town Army sa 3rd Premier Volleyball League Reinforced Conference 2019 elims ngayong Sabado.

Alas-4 ng hapon magtatapat ang dalawang koponan sa FilOil Flying Centre sa San Juan City.

Ipapakita ng Motolite na kayang nilang makipagsabayan sa mga beterano na sa torneo kahit pa puro collegiate standouts ang kanilang mga manlalaro.
“Ang role ko is as an ate sa team namin kasi itong mga ‘to first time nilang mag-pro so ako ilang years na rin akong nasa pro so kailangan ako mismo ang magdadala this coming conference,” wika ni Pablo.

Dapat ding abangan sa torneo ang pasiklab nina import Channon Thompson at Edina Selimovic na hahampas para sa Motolite team.

“Siyempre nandiyan ang mga import namin pero kaming mga local kami ‘yung susuporta kung ano ang dapat na­ming gawin,” panapos niya.

Samantala, may 1-1 win loss record naman ang Pacific Town Army nang malugmok sa Creamline Cool Smashers nitong Miyerkoles 21-25, 16-25, 18-25.

‘Di sapat ang 10 puntos mula kay import ­Jenelle Jordan at siyam na puntos mula kay Olena Lymareva-Flink sa laban. (Janiel Abby Toralba)