Tuloy-tuloy ang pananalasa ni Myla Pablo at Motolite sa 3rd Premier Volleyball League Open Conference 2019 nang pataubin ang Pacific Town Army, 25-16, 22-25, 25-18, 23-25, 15-10, Linggo ng gabi sa FilOil Flying V Centre, San Juan.

Inakay ng 24 points ni ace spiker Pablo ang koponan sa apat na dikit na pananalasa para sa 4-1 win-loss record upang kapitan ang segunda puwesto, sinalya ang Lady Troopers sa tie sa fourth sa 2-2 sa 9-team midseason volleyfest.

Tinapos ni hitter Isa Molde ang laban via off-the-block hit para sa kanyang 19 markers at 11 excellent receptions sa solidong suporta kay Pablo.

Umasiste rin sa opensa at depensa ng Power Builders si opposite attacker Tots Carlos na may double-double performance 14 pts. at 17 digs.

Bitin naman ang sanib-puwersa nina Jovelyn Gonzaga at Royse Tubino na may 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod. Katatapos lang bitbitin ni Gonzaga sa runner-up finish ang Cignal sa nakalipas nitong Martes na 7th Philippine SuperLiga All-Filipino Conference 2019.

Sa second game, pumalo ng tig-10 puntos sina Cherry Nunag at Jovielyn Prado nang walisin ng PetroGazz (3-2) ang Philippine Air Force (0-5), 25-16, 25-20, 25-23. (Janiel Abby Toralba)