Pabor

Noong Abril 27, nasiwalat sa publiko ang kopya ng liham ni Armed Forces Chief of Staff General Felimon Santos Jr. kay Ambassador Huang Xilian na humihingi ng tulong sa pagkuha ng limang kahon ng Carrimycin tablets, na mabisang gamot umano para sa COVID-19, batay sa personal na karanasan ni Santos, na dinapuan ng naturang sakit at gumaling dahil daw dito.

Nais daw niyang ipamigay ang gamot sa kanyang mga malapit na kaibigang tinamaan din ng virus. Sa China lamang daw maaaring makuha ang naturang gamot.

Dahil ginamit ni Santos ang letterhead ng kanyang opisina, at lumagda siya bilang chief of staff ng AFP, nasa anyo ng opisyal na komunikasyon ang kanyang personal na hiling sa ambassador ng China. Kinumpirma mismo ng AFP na tunay at awtentiko ang sulat ni Santos.

Labag sa etika ang paggamit ng sinomang opisyal ng gobyerno sa kanyang titulo at puwesto upang humingi ng personal at pansariling kahilingan sa kaninoman. Lalo’t higit kung hindi ordinaryong opisyal ng gobyerno ang humihingi, kundi AFP chief of staff, at hindi rin kahit sino lamang ang hinihingan, kundi ambassador ng China.

Kapansin-pansin na unang nasiwalat ang kopya ng sulat ni Santos sa feixin.ph, isang Chinese-language website na naglalathala ng balita tungkol sa Pilipinas, para sa mga Tsino na narito sa bansa. Samakatwid, unang nabuking ang kahihiyan ni Gen. Santos sa kanilang hanay, bago pa man ito nalaman ng mga Pilipino.

Hindi lamang masagwa ang sitwasyong ito. Naganap ang paghingi ng personal na pabor ng pinuno ng buong sandatahang lakas nito sa soberanong kinatawan ng China sa Pilipinas nang halos kasabay ng paghain ng Department of Foreign Affairs ng pormal na protestang diplomatiko sa Chinese embassy kaugnay ng insidenteng naganap sa West Philippine Sea noong Pebrero 17.

Habang nagpapatrolya ang barkong BRP Conrado Yap ng Philippine Navy sa karagatang malapit sa Rizal Reef, nakasalubong nito ang isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army ng China. Itinutok nito ang kanyang mga armas sa BRP Conrado Yap at naghandang magpaputok. Ayon sa Western Command ng Philippine Navy, isa itong “hostile act” na ginawa ng gobyerno ng China habang nanghimasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ano kaya ang pakiramdam ng mga ordinaryong kawal at opisyal ng AFP, kabilang ang mga marino ng BRP Conrado Yap na humarap sa mga baril ng Chinese navy, samantalang “naglalambing” ang kanilang chief of staff sa ambassador ng China para mabigyan ng ilang tableta ng medisina? Mapagkakatiwalaan pa ba siyang pamunuan ang AFP upang ipagtatanggol ang ating karagatan at teritoryo laban sa panghihimasok ng China?

Walang duda na kung nangyari ang ganito sa ibang bansa, ituturing itong malaking iskandalo at magreresulta sa pagbibitiw o pagtanggal sa puwesto ng sangkot na opisyal. Ngunit nasa Pilipinas tayo. Isang tanda ng pag-iral sa ating lipunan ng napakababang pamantayan sa katanggap-tanggap na asal ng mga opisyal ng pamahalaan ang paglaho nang parang bula ng isyu ng paghingi ni General Santos ng personal na pabor sa ambassador ng China.