Pabrika ng pekeng yosi nilusob

Matapos ang ilang buwang surveillance, sinalakay ng mga awtoridad ang isang factory na gumagawa ng pekeng sigarilyo sa bayan ng Dinas, Barangay San Jose, Zamboanga Del Sur, Biyernes ng madaling-araw.

Nasabat ng mga awtoridad ang isang cigarette-making machine at mga gamit ng paggawa ng pekeng sigarilyo tulad ng rolling paper, taping paper, tobacco, at mga counterfeit stamp ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay Atty. Moises Tamayo, National Bureau of Investigation (NBI) regional director, sinalakay ang isang warehouse-type factory kung saan umaabot sa P60M ang nalulugi sa pamahalaan mula sa tax buwan-buwan dahil sa ginagawa ng naturang pabrika na nakakapaglabas ng 100 master case o nasa 50,000 pack ng sigarilyo araw-araw.

Ang mga nakumpiskang pekeng sigarilyo ay may tatak na Philip Morris, Fortune, Champion, Marvels, Fort, at Mark na ibinebenta sa ilang parte ng Mindanao. (Vick Aquino)