PACC kay Sandra Cam: Korapsyon sa PCSO patunayan mo

Inatasan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) si Phi­lippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam na magsumite ng mga ebidensiya hinggil sa alegasyon nito na may korapsyon sa nasabing ahensiya.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Bel­gica, kanilang hihingin kay Cam na magbigay ng mga dokumento na magpapatunay sa sinasabi nitong korapsyon sa PCSO.

“She was the first one to call out corruption in PCSO, if I remember, even long before the Presi­dent appointed Gene­ral Manager (Royina) Garma. So we are interested to hear what she has (to say), not to take it as the truth, but to investigate and allow it to go through the process,” pahayag ni Belgica.

Matatandaang sinabi ni Cam na may mga matataas na opisyal ng PCSO ang sangkot diumano sa korapsyon at kinukunsinti rin anya ito ng ilang board member.

Nagpahayag din ng kahandaan si Cam na pangalanan ang mga opisyal na sangkot sa korapsyon sa PCSO kapag nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado. (Prince Golez)