Dahil natatambakan ng mga reklamo, dineputized ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang 32 ahensiya ng pamahalaan para mapabilis ang pagtugon sa mga reklamong may kinalaman sa katiwalian sa gobyerno.
Sa unang anibersaryo ng PACC, nanumpa sa Malacañang ang mga kinatawan ng 32 ahensiya para tumulong sa mabilis na pag-aksiyon sa mga reklamo ng korapsiyon sa mga ahensiya, opisyal at tauhan ng pamahalaan.
Sa ganitong sistema, binibigyan na ng awtoridad ng PACC ang mga deputized agencies na magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon, pagkalap ng mga ebidensiya, pagsasagawa ng entrapment operation, at pag-aresto.
Sinabi ni PACC Commissioner Dante Jimenez na sa loob ng isang taon ay mahigit 800 mga reklamo ang natanggap mula sa iba’t ibang grupo, indibiduwal at ilang sektor.
May kabuuang 807 na reklamo ang naisyuhan na ng letter of acknowledgement at 29 pa lamang ang nairekomendang kasuhan sa Ombudsman.
Kabilang sa mga ahensiyang isinailalim sa deputization ng PACC ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Transportation (DOTr), Department of Agriculture (DA), Department of Budget and management (DBM), Department of Justice (DOJ), Department of Agrarian reform (DAR), Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Foreign Affairs (DFA), Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP).