Nanood si Floyd Mayweather, Jr. ng bakbakan nina Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao at Keith Fitzgerald Thurman, Jr. nitong Sabado ng gabi (Linggo ng umagang oras sa Pilipinas) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Navada, USA.
Kita niya na ‘di pa laos, o may asim pa kahit 40-anyos na ang Pambansang Kamao. Bugbog-sarado na ring matatawag sa buong 12-round fight si One Time, nalasap ang unang talo sa 30 career pro fight na natapos sa split decision win ni Pacman.
Walang reaksyon si Money Man sa pagkabugbog ng kababayan niyang Amerikano kay Pacquiao pagkaraan.
Marahil nakita niya na kung kondisyon lang ang kapwa niya future Hall of Famer, talagang may paglalagyan siya. ‘Di tulad noong unang nagtuos sila may apat na taon na ang nakalilipas na may shoulder injury at kontrobersiyang nailusot niya ang kontrobersiyang 12 round unanimous decision laban kay Pacquiao.
Duguan sa parte ng mukha niya si Thurman na sinaluduhan ang kababayan natin tapos niyang lait-laitin sa ilang buwan, linggo at araw patungo sa kanilang fighty day nitong ngang July 20.
‘Di magtataka ang Turning Point na tuluyang isabit nang permanente ni Mayweather ang kanyang gloves at ‘di na mabigyang daan ang gusto ng lahat na rematch nila ni Pacman.
Simple lang ang nasa loob ni Money Man, ayaw niyang mabugbog ni Pacquiao gaya nang sinapit ni Thurman.
Kaya ‘wag na tayong umasa na may Part II pa ang Pacquiao vs Mayweather. ‘Ika nga suntok na sa buwan yan!
Isang malugod na pagbati ang nais kong iparating sa ating fighting senator sa pagbalewala niya sa father time. O pagbalik niya sa orasan ng relo sa patuloy na ningning pa rin niya sa sport.
Mabuhay kay Sen. Pacquiao!