Naging unang boksingero sa buong mundo na nagkampeon sa apat na dekada si Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao.
Pagtungtong ng Enero 1, 2020, kampeon pa rin si Pacquiao mula nang maagaw ang World Boxing Association (WBA) ‘super’ welterweight belt mula kay Keith ‘One Time’ Thurman nitong 2019.
Taong 1995 nang magsimula bilang professional si Pacquiao at makuha ang kanyang unang world title noong 1998 bilang World Boxing Council (WBC) world flyweight champion.
Noong 2001, nasakote naman ni Pacquiao ang International Boxing Federation super bantamweight title, bago nagwagi pa ng ilang kampeonato sa iba’t ibang weight division sa mga sumunod na taon.
Nasungkit naman ni Pacman taong 2010 ang historic eighth world championship niya – ang WBC super welterweight champion.
Sa taong ito, tangan pa rin ni Pacquiao ang WBA welterweight title na naagaw kay Thurman sa nakalipas na taon.
Ngayong taon, tila hindi pa rin magpapahuli ang 41-year-old boxing champ kung saan inaasahan na muling lalaban, kabilang ang inaantay na lang na pagtango sa rematch kay Floyd Mayweather Jr. (JAT)